Debotong Mahal ng Poong Hesus Nazareno: Nananalig, Sumasaksi
A Homily delivered by Manila Archbishop Luis Antonio G. Cardinal Tagle at the Mass for the Feast of Jesus the Nazarene at 6 a.m. on January 9, 2013 at the Luneta Grandstand.
Nagpapasalamat po tayo sa ating Mahal na Panginoon. Tinipon na naman niya tayo dito upang ipagbunyi ang Kanyang Anak, ang ating Mahal na Poong Hesus Nazareno. At tumingala po kayo. Nagbubukang liwayway na naman, sisikat na naman ang araw, ang pag-ibig at liwanag ng Panginoon. Maraming salamat po sa inyong lahat na walang sawang nagpapakita ng malalim na pananampalataya at debosyon sa pag-ibig ng Diyos na ipinamalas sa pamamagitan ni Hesus Nazareno. Kaya kung maaari lang po, gawin natin ang araw na ito na talagang araw ng ating pagdiriwang ng ating pananampalataya sa Diyos.
Napakaganda po ng tema ng ating kapistahan sa taong ito: Debotong Mahal ng Poong Hesus Nazareno: Nananalig, Sumasaksi. Sana memoryahin natin, “Debotong Mahal ng Poong Hesus Nazareno: Nananalig, Sumasaksi.” Pagnilayan po natin ang temang ito sa tulong ng ating mga pagbasa. Sino ba si Poong Hesus Nazareno? Ang pinakamadaling sagot ay, “Si Hesus na taga Nazareth.” Kaya siya ay tinatawag na Nazareno galing siya sa bayan ng Nazareth. Subali’t sino nga ba ito? Sino siya? Sa mata ng pananampalataya, sinasabi ng ebanghelyo, ganoon na lamang kamahal ng Ama ang sanlibutan kaya ibinigay niya, isinugo niya ang kanyang buntong na Anak upang hindi mapahamak ang mundo kundi ang mundo ay iligtas. Iyan si Hesus Nazareno, nakikita natin sa kanya ang pagibig ng ama para sa atin, ang pagibig na hindi natin lubos maisip na ibibigay sa atin. Ganoon na lamang tayo kamahal ng Diyos, pati ang kanyang kaisa-isang anak ay ibibigay para sa ating makasalanan upang tayo ay mabuhay, upang manumbalik tayo sa kanya.
Kapag tinignan po natin si Poong Hesus Nazareno, makita nawa natin ang hindi malirip na pagibig ng Diyos, ang Diyos kanyang ibigay ang lahat para sa atin. Yung mga dalaga dito palagay ko kapag may nanligaw sa inyo at sasabihing, “Ibibigay ko ang lahat para sa inyo,” ang inyong puso ay biglang dadagundong at sasabihin niyo, “Ito na yata! Ito na yata ang nagmamahal sa akin.” Bakit? Ibibigay kasi lahat. Pero tignan mo baka nambobola lang iyan. Pero ang Diyos hindi nambola! Tinutoo, ibinigay talaga ang kanyang Anak. Pero baka magtanong kayo, eh kapag tinitignan namin si Hesus Nazareno, larawan ba ito ng pagibig? Parang larawan ng pighati-- pasan ang krus kung saan siya ipapako; nadapa dala ng bigat ng kanyang pinapasan. Kapaguran, kahinaan, iyan ba ang pagibig?
Opo ganyan ang pagibig. Sabi sa ikalawang pagbasa, Sulat ni San Pablo sa mga Filipos: Ang pagibig ng Diyos na ipinakita kay Hesus ay naipamalas sa Kanyang pagtalikod sa sarili. Sa Kanyang paghuhubad ng Kanyang karangalan upang maging mapagpakumbabang tao. Ang kanyang pagibig nangahulugan. Niyakap niya ang ating situwasyon. Kung nasaan ang Kanyang iniibig nandun siya. At kung ano ang dinaranas ng kanyang iniibig daranasin niya. Di ba ganoon ang tunay na umiibig? Kahit ilang ulit mo tatalikuran ang sarili mo gagawin mo para sa iniibig mo.
Mga magulang kahit gustong gusto niyo yung ulam pero kapag sinabi ng anak mo, “gusto ko pa” tatalikuran mo ang hinihingi ng dila mo para sa anak mo. Gagawin mo iyan, anak mo eh, mahal mo. Mga mag-asawa, lalo na yung may asawa na OFW, Overseas Filipino Worker, kapag nabalitaan niyo ang asawa niyo maysakit, ano ang silakbo ng damdamin niyo? Kung mayroon ka lang pera, kung mayroon ka lang visa, gusto mo pumunta, “Kung nasaan ang asawa ko, nanduroon ako, kung nagdurusa siya ibig kong makiisa sa kanyang pagdurusa. Kung siya ay gagaling ibig kong makasama sa ligaya ng kanyang paggaling.” Ganyan po ang pagibig, pagibig na handang tumalikod sa sarili, kaliumutan ang sarili, yakapin ang situwasyon ng kanyang iniibig, dumamay, makiisa.
Sa atin pong pagtingin kay Hesus Nazareno makikita po natin ang hindi mapapantayang pagibig ng Diyos na handang bumaba, talikuran ang kanyang dangal, yakapin ang ating pagkatao at sa pamamagitan niya, anak ng Diyos na tao, maligtas tayo. Sabi ni San Pablo, itong Hesus Nazareno naging “obedient,” tumalima sa Diyos at sa pamamagitan niya ang sangkatauhang namihasa sa paglaban sa Diyos, ngayon may bago ng kasaysayan. Ang tao ngayon handa nang sumunod sa Diyos. Maliligtas na, hindi na mapapahamak. Ang kaligtasan, ang ganap na buhay ay ang pagbabalik ng pagibig sa Diyos. Inibig tayo ng Diyos, ibigin din natin Siya. Tinalikuran ng Diyos ang kanyang sarili para sa atin, tumalima tayo sa kanya. Talikuran ang sarili, sariling kagustuhan, sariling yabang upang mapasailalim sa Diyos. At sa gayang pamamamaraan may bagong buhay, may ganap na buhay, may kaligtasan.
Mga kapatid sana po sa ating pagdiriwang sa araw na ito ang ating mga mata, ang ating puso ituon natin kay Hesus Nazareno, ang mapagpakumbabang pagibig ng Diyos, na dumamay sa atin, at binago ang pagkatao natin, mula sa pagiging rebelde sa Diyos sa pagiging masunuring anak ng Diyos. Ano po ang tugon natin sa pagibig ng Poong Hesus Nazareno? Sabi po ng tema, manalig, manampalataya sa Diyos sa pamamagitan ni Hesus Nazareno. Pananampalataya. Sabi po ng ating Santo Papa Benedict XVI, ngayong taon ang pananampalataya, ang pananalig ay isang buhay na ugnayan kay Hesus. Siya na nakiisa sa atin bilang tao. Kayo ba makikiisa sa kanya? Siya na naging tao at dumamay sa atin, siya ba ay ating tatanggapin bilang kapwa, kapatid at mangliligtas?
Mga mahal na deboto ng Poong Hesus Nazareno, tanungin po ninyo sa inyong sarili, tanungin natin sa ating sarili, “kumusta na ang ugnayan ko kay Hesus? Buhay ba siya sa akin? Ang kanyang salita ba nakatanim sa aking puso? Ang kanyang presensiya ba ay laging aking nararamdaman at hinahanap-hanap? Siya ba ang aking kinakapitan katulad ng kanyang pagkapit sa akin? Ako ba ay laging nakikiisa sa kanya katulad ng kanyang pakikiisa sa akin? Buhay ba si Hesus sa akin? Nagtitiwala ba ako na nandiyan siya? Kapag ako ay maligaya, maligaya siya kasama ko. Kapag ako ay nangangarap, nangangarap siya kasama ko. Pag ako ay nalulumbay, nalulumbay siyang kasama ko. Pero kapag ako ay nagsusugal hindi niya ako kasama, ha. Kapag ako ay nandaraya sa aking asawa, ah, hindi kasama si Hesus diyan. Hindi niya tayo sasamahan sa pagrerebelde sa Diyos. Sasamahan niya tayo kapag mayroon tayong karanasang makatao na kailangan ang Diyos ang manaig.
Mga kapatid, ang debotong mahal ng Poong Nazareno, nananalig, buhay ang ugnayan kay Hesus. Suriin nating ang ating sarili. O, bato bato sa langit ang tamaan bahala nang magalit. Eh yung ibang tao kung alagaan ang kanilang alahas buhay na buhya ang alahas pero si Hesus hindi naman pinapansin. Yung ibang tao mamatay kapag hindi hawak ang kanilang cell phone. Buhay na buhay ang cell phone. Ikamamatay kapag ang cell phone ay hindi nararamdaman sa palad, sa bulsa, sa bag. Mas nananalig pa sa cell phone kaysa kay Hesus! Yung iba paggising sa umaga kinakausap ang mga alaga nilang halaman para raw mamukadkad, pero si Hesus hindi kinakausap. Yung iba may kaya binibili pa ng espesyal na pagkain ang kanilang mga tuta at kanilang mga pusa pero ang kasambahay bibigyan ng mga inaamag amag na at ang pananampalataya kay Hesus hindi pinapalakas.
Ang tanong sa atin, si Hesus ba talaga ang ating pinananaligan. Siya ba na nagmahal sa atin ang ating sinusuklian ng pananampalataya at pagibig? Ang tunay na deboto kay Poong Hesus Nazareno makikilala sa lalim ng kanyang pananampalataya. Buhay na ugnayan kay Hesus. Pero ang pananalig kay Hesus kailangan umuwi sa pagsaksi kay Hesus. Ganyan po, ganyan na buhay ang simbahan. Nagsimula sa iilan na alagad ni Hesus; nakaulayan ni Hesus, nanampalataya kay Hesus. At nang si Hesus ay muling nabuhay sila ay nagpatotoo na si Hesus nga ay anak ng Diyos. Sa kanilang patotoo lumaganap ang pananampalataya. Pananalig, pagsaksi at sa pamamagitan ng pagsaksi marami uli ang mananalig. Ganyan lang. Kapag ang nanalig sasaksi lalong darami ang mananalig at ang mga nanalig sasaksi nanaman. Darami na naman ang mga mananalig.
Ano ba ang trabaho ng saksi? Magpatotoo. Ipakita sa salita, gawa, pagkatao na tunay nga si Hesus. Totoong may Hesus. Totoong may pagiibig ng Diyos. Alam po ninyo si Hesus nagdusa dahil sa mga na huwad na saksi. May mga binayaran para magbulaan at gumawa ng kaso laban kay Hesus. Itigil na ang kabulaanan. Nagdusa si Hesus dahil sa mga bulaan, mga huwad na saksi. Ang tunay na nanalig kay Poong Hesus Nazareno lalabanan ang kabulaanan na sumisira hindi lamang sa tao at lipunan, kundi sumira sa anak ng Diyos. That should not happen again! Ang tunay na pananampalataya at debosyon uuwi sa pagiging totoo, saksi sa katotohanan ni Kristo lalo na sa kanyang pagibig na mapagdamay.
Mga minamahal na kapatid kailangang kailangan ng mundo ngayon ang saksi na magpapatotoo sa kaligayahan na matagpuan si Hesus. Ang dami-daming reports tungkol sa mga patayan. Mas dumami sana ang sumaksi sa katotohanan na ang buhay ay sagrado. Patotohanan natin iyan. Ang dami dami sa mundo ngayon, giyera. Ang pera na dapat sanang gamitin para pakainin ang tao, magtayo ng mga bahay at eskuwelan na nagagamit para sa pagpatay. Kailangan nating sumaksi sa katotohanan na dumating si Kristo hindi upang ipahamak ang kapwa kundi upang mabuhay ang kapwa ganap na buhay at kapayapaan. Tayo po ang kailangang sumaksi kay Hesus ng may kaligayahan, ng may pananagutan. Kung papaano tayo binuhay ni Hesus Nazareno magpatotoo kayo. Ipalaganap na napakaganda na manalig sa kanya. Sa kanya mararanasan ang buhay na ganap at buhay na kasiya siya. Debotong mahal ng Poong Hesus Nazareno manalig ka at dahil sa iyong pananalig, magpatotoo ka na nakita mo si Hesus ang pagibig ng Diyos.
Tayo po ay tumahimik sandali at hilingin ang biyaya ng malalim na pananalig at tapang, pagtitiyaga na sumaksi sa katotohanan ni Hesus.
No comments:
God bless you!