Ang Talambuhay ni Beato Pedro Calungsod
Si PEDRO CALUNGSOD ay isang kabataang nagmula sa rehiyong Bisaya ng Pilipinas. Konti lamang ang nalalaman tungkol sa kanyang buhay. Ayon sa mga nasusulat, si Pedro ay tinuruan upang maging katekistang layko sa seminaryo minore ng mga Heswita sa Loboc, Bohol. Para sa mga batang nahimok tulad niya, ang paghuhubog ay kinabibilangan ng pag-aaral ng katekismo, wikang kastila at latin. Ipadadala sila pagkatapos sa mga baryo kasama ng mga pari upang gampanan ang kanilang pang-araw-araw na gawain bilang mga sakristan o katekista. Ang iba sa kanila ay ipinapadala sa misyon sa ibayong-dagat kasama ng mga Heswita sa kanilang mapanghamong gawain ng pagpapahayag sa Mabuting Balita at ang pagtatag ng pananampalatayang katoliko sa mga banyagang lupain. At ito ang naganap kay Pedro Calungsod.
Noong ika-18 ng Hunyo 1668, ang masigasig na Heswitang superyor na si Padre Diego Luís de San Vitores ay tumugon sa “espesyal na tawag” at nagsimula ng bagong misyon kasama ng 17 kabataang lalaki at mga pari sa mga isla ng Ladrones. Si Pedro ay isa sa mga batang katekistang nagpunta sa Kanlurang Pasipiko upang ipahayag ang Mabuting Balita sa mga katutubong chamorro.
Mula sa Mabuting Pakikitungo hanggang sa Pagkapoot
Ang buhay sa Ladrones ay mahirap. Ang mga panustos para sa misyon tulad ng pagkain at iba pang pangangailangan ay hindi regular na dumarating; ang mga gubat ay napakasusukal tahakin; ang mga talampas ay napakatatarik akyatin; at ang mga isla ay palagiang binabayo ng mga bagyo. Sa kabila ng lahat, ang mga misyonero ay hindi pinanghinaan ng loob, at ang misyon ay pinagpala sa dami ng taong nagbagong-loob sa Diyos. Ginalugad ng mga misyonero ang mga liblib na lugar at nakapagbinyag ng higit sa 13,000 katutubo. Sinimulan na din ang pagtatayo ng mga kapilya sa iba’t-ibang lugar sapagkat lumalawak na ang gawain ng pagtuturo. Isang paaralan at isang simbahan sa karangalan ni San Ignacio de Loyola, ang naitatag sa lungsod ng Agadna sa hilagang-silangan. Kinalaunan, ang mga isla ay muling pinangalanang “Marianas” sa karangalan ng Mahal na Birheng Maria at ng Reyna-Rehente ng Espanya, si María Ana, na siyang tagatangkilik ng misyong yaon.
Di naglaon, ang mabuting pakikitungo ng mga katutubo ay naging poot sapagkat ang mga misyonero ay nagsimula ng mga pagbabago sa nakaugalian ng mga chamorro na hindi angkop sa Kristiyanismo. Ang mga misyonero ay tumutol sa pagsamba nila sa kanilang mga ninuno. Hinuhukay ng mga chamorro ang mga bungo ng mga namayapang kamag-anak at itinuturing ito bilang mapaghimalang anting-anting. Ang mga ito’y idinadambana sa mga espesyal na bahay na binabantayan ng mga katutubong salamangkero na kung tawagin ay macanja. Ang mga chamorro ay nagdarasal sa ispiritu ng kanilang mga ninuno upang swertehin, magkaroon ng magandang ani at manalo sa digmaan.
Tumutol din sila sa kaugalian ng mga kabataang lalaki na tinatawag na urritao sa kanilang pakikipagniig sa mga kabataang babae sa mga pampublikong lugar na walang basbas ng sakramento ng kasal sapagkat itinuturing nila ang ganitong pagkakalakal ng sarili bilang bahagi ng kanilang pamumuhay.
Hindi rin sila naibigan ng mga chamorrong nasa mataas na antas sa lipunan o matua na nag-utos na ang biyaya ng pagiging Kristyano ay nararapat lamang sa kanila. Ang mga mabababa ang antas sa lipunan ay hindi daw dapat bigyan ng karapatang maging mga kristiyano.
Nilasong Tubig?
Isang maimpluwensyang chino na nagngangalang Choco na nauna nang napadpad sa isla mula sa isang lumubog na barko, ang nainggit sa katanyagan ng mga misyonero sa mga chamorro, at nagsimulang maghasik ng paninira na ang tubig na ginagamit daw ng mga misyonero sa pambinyag ay may lason. At dahil ang ilang masakiting sanggol na nabinyagan ay nagkataong namatay, marami ang naniwala sa kasinungalingan at di naglao’y ganap na tumalikod sa pananampalataya. Ang masamang adhikain ni Choco ay kinatigan ng mga matua, macanja at mga urritao kasama ng mga nagsitalikod sa pananampalataya at sinimulan nilang usigin ang mga misyonero.
Ang Pagkamatay ni Pedro Calungsod
Ang pinaka-hindi makakalimutang pangyayari ay naganap noong ika-2 ng Abril 1672, Sabado bago ang Linggo ng Pagpapakasakit ng Panginoon nang taong iyon. Bandang ika-7:00 ng umaga, si Pedro—na noo’y 17 taong gulang—at ang superyor ng misyon, si Padre Diego, ay nagpunta sa nayon ng Tomhom sa isla ng Guam. Doon, nabalitaan nila na isang sanggol na babae ang kapapanganak pa lamang, kaya’t nagpunta sila sa ama ng sanggol na si Matapang, upang ipagpaalam na bibinyagan ang sanggol. Si Matapang ay isang kristiyano at kaibigan ng mga misyonero, subalit dahil isa siya sa mga tumalikod sa pananampalataya, pagalit siyang tumanggi na binyagan ang kanyang anak.
Upang bigyan ng panahon si Matapang na mahimasmasan, tinipon muna nina Padre Diego at Pedro ang mga bata at ilang may sapat na gulang ng nayon malapit sa dalampasigan at nagsimula silang umawit tungkol sa katotohanan ng pananampalatayang katoliko. Inanyayahan nila si Matapang na samahan sila, subalit pasigaw siyang tumugon na galit siya sa Diyos at punung-puno na talaga siya.
Nakatalagang patayin ang mga misyonero, umalis si Matapang at nakahanap ng kasapakat sa katauhan ni Hirao na hindi kristyano. Sa una’y tumanggi si Hirao dahil sa kabutihan ng mga misyonero sa mga katutubo; subalit ng tawagin siyang duwag ni Matapang, siya ay napikon at sumang-ayon. Habang wala si Matapang sa kanilang kubo, sinamantala nina Padre Diego at Pedro ang pagkakataong mabinyagan ang sanggol na may kapahintulutan ng kristyanong ina ng sanggol.
Nang malaman ni Matapang ang pangyayari, lalo siyang nag-apoy sa galit. Una niyang inihagis ang sibat kay Pedro. Nakailag si Pedro dahil mas mabilis ang kanyang pagkilos at pag-iisip kaysa sa bumubulusok na sibat. Ang mga saksi ay nagpatotoo na maari namang makatakas si Pedro dahil sa kanyang kaliksihan, subalit hindi niya ninais na maiwang mag-isa si Padre Diego. Sa mga nakakakilala kay Pedro, naniniwala silang kayang-kaya niyang talunin ang mabagsik niyang mga kalaban at mapalaya si Padre Diego at ang kanyang sarili kung mayroon lamang armas ang magiting na binata; subalit hindi pinahihintulutan ni Padre Diego ang kanyang mga kasamahan na magdala ng armas. Sa huli, tinamaan ng sibat si Pedro sa dibdib at siya’y humandusay sa lupa. Dali-dali namang sinugod ni Hirao si Pedro at tinapos ang kanyang buhay sa pamamagitan ng espadang tumama sa kanyang ulo. Nabigyan pa siya ni Padre Diego ng pagpapatawad o absolution bago mamatay at matapos noo’y, sinunod naman nilang paslangin ang pari.
Kinuha ni Matapang ang krusipiho ni Padre Diego at dinurog ito nang bato habang umuusal ng kalapastanganan sa Diyos. Pagkatapos, hinubaran nina Matapang at Hirao sina Padre Diego at Pedro, kiladkad sa may dalampasigan, tinalian ng malalaking bato sa kanilang mga paa, dinala sa karagatan at hinulog sa kalaliman. Hindi na natagpuan pa ang mga labi ng mga martir.
Nang malaman ng mga kasamahang misyonero ang kamatayan ni Pedro, napabulalas sila, “Mapalad na kabataan! Tunay na ginantimpalaan ang kanyang apat na taong matiyagang paglilingkod sa Diyos sa napakahirap na misyon. Siya pa ang nauna sa aming superyor sa langit!” Naalala nila si Pedro bilang isang kabataang may magandang pananaw sa buhay, isang banal na katekista, tapat na kaagapay, at mabuting katoliko na masigasig sa pananampalataya kahit umabot pa sa pag-aalay ng buhay para sa Diyos na nagpapatunay na siya ay isang mabuting kawal ni Kristo (cf. 2 Tim 2:3).
Ang Pagtatanghal bilang isang Banal
Si Padre Diego Luís de San Vitores ay itinanghal na beato (banal) noong 1985. Noong ika-5 ng Marso 2000 naman itinanghal na beato si Pedro Calungsod sa Roma. Narito ang bahagi ng homilya ni Papa Juan Pablo II noong araw ng kanyang beatipikasyon kasama ng 43 pang iba:
"Ang sinumang kumilala sa akin sa harapan ng mga tao ay kikilalanin ko rin naman sa harapan ng aking Amang nasa langit.” (Mt 10:32) Mula sa kanyang kabataan, walang maliw na itinalaga ni Pedro Calungsod ang kanyang sarili kay Kristo at bukas-palad na tumugon sa Kanyang tawag. Ang mga kabataan ngayon ay maaring humugot ng lakas at pag-asa sa halimbawa ni Pedro na ang pag-ibig kay Kristo ang pumukaw sa kanyang sarili upang ilaan ang kanyang kabataan sa pagtuturo ng pananampalataya bilang isang katekistang layko.
Iniwan ang kanyang pamilya at mga kaibigan, taos-pusong tinangggap ni Pedro ang hamong ibinigay ni Padre Diego de San Vitore na samahan siya sa misyon sa mga chamorro. Sa lakas ng pananampalataya, na tinatampukan ng matinding debosyong Eukaristiko at debosyon sa Mahal na Birhen, ginampanan ni Pedro ang mabigat na gawaing iniatang sa kanya at matapang na hinarap ang mga balakid at paghihirap. Sa harap ng napipintong panganib, hindi niya tinalikdan si Padre Diego, datapwat bilang isang “mabuting kawal ni Krsito” ay piniling mamatay sa tabi ng misyonero. Ngayon, namamagitan si Beato Pedro Calungsod para sa mga kabataan, lalung-lalo na ng kanyang bayang Pilipinas, at hinahamon niya sila. Mga kaibigang kabataan, huwag kayong mag-alinlangang sundan ang halimbawa ni Pedro, na "naging kalugud-lugod sa Diyos at minahal Niya " (Karunungan 4:10) at siya, na sa maikling panahon ay narating ang lubos na kabanalan, ay nagtamo ng kaganapan ng buhay. (cf. ibid., v. 13).
Ang Pagtatanghal bilang isang Santo
Noong taong 2008, ipinahayag ng lubhang kagalang-galang Ricardo Cardinal Vidal ang pag-asang si Beato Pedro Calungsod ay magiging isang ganap na santo na. Ang isang beato ay maitatanghal na santo matapos na mapatunayan ang mga himala sa kanyang pamamagitan. Ilang mga tao na ang humiling ng kanyang pamamagitan at nakapagpatotoo sa mga himala: ang kagalingan ng isang binata na may kanser sa buto at ang pagkakaligtas sa isang biktima ng kidnap ay ilan lamang sa mga ito. Lahat ng ito ay dahil sa pamamagitan ni Beato Pedro Calungsod.
Noong ika-24 ng Marso 2011, ang mga kasangguning doktor ng Vatican ang nagpahayag na mayroong hindi pagkaraniwang kagalingan ang naganap. Noong ika-2 ng Hulyo, ang mga kasangguning teologo naman ang nagpatunay na ang paggaling na ito ay sa pamamagitan ni Pedro Calungsod. Pagkatapos, noong ika-11 ng Oktubre, ang mga kasangguning kardinal, arsobispo at obispo ay nagkaisa upang pagtibayin ang ipinahayag ng mga doktor at teologo na magtatanghal kay Beato Pedro bilang isang ganap na santo.
Noong ika-19 ng Disyembre 2011, tinanggap ni Papa Benito XVI si Angelo Cardinal Amato, ang Prefect of the Congregation for the Causes of Saints, at nagbigay ng kapangyarihan upang ipahayag ang himalang naganap. Sa wakas ay pormal na pinahintulutan na ang pagtatanghal kay Beato Pedro Calungsod bilang ganap na santo kasama ang anim pang iba. Ang atas na ito ang nagtatapos sa mga kinakailangan para sa isang kanonisasyon.
Noong ika-18 ng Pebrero 2012, ipinahayag ni Papa Benito XVI na sa darating na ika-21 ng Oktubre 2012. na ang petsa ng kanyang kanonisasyon.
Noong ika-18 ng Pebrero 2012, ipinahayag ni Papa Benito XVI na sa darating na ika-21 ng Oktubre 2012. na ang petsa ng kanyang kanonisasyon.
Panalangin para sa Kanonisasyon ni Beato Pedro Calungsod
O Diyos, sa pamamagitan ng Mahal na Birheng Maria, magiliw po ninyong ipagkaloob ang pagtatanghal bilang isang ganap na santo kay Beato Pedro Calungsod, kung ito ay sa lalong ikapupuri ng Inyong Ngalan at para sa kapakanan ng mga kaluluwa. Amen.
Ama Namin... Aba Ginoong Maria... Luwalhati.
o-o-O-o-o
O Dios, pinaagi sa pangama sa Mahal nga Birhen Maria, mapuangurong itugot ang Kanonisasyon ni Beato Pedro Calungsod, kung ugaling kini alang sa labaw'ng kahimayaan sa Imong Ngalan ug alang sa kaayohan sa among mga kalag. AMEN.
Amahan Namo.... Maghimaya ka Maria... Himaya sa Amahan....
Kahit na hindi pa opisyal na itinatanghal si Beato Pedro Calungsod bilang isang ganap na santo, alam nating siya ay nasa walang hanggang kaharian na ng Diyos sa langit. Ito ay higit sa sapat na dahilan upang atin siyang gawing huwaran. Tulad ni Beato Pedro Calungsod, nawa’y manatili tayong matatag sa pananampalataya, maalab sa pag-asa at walang pag-iimbot sa pagmamahal.
Habang nag-aantabay tayo sa landas patungo sa kanyang ganap na pagiging santo, umaasa ang Arsobispo ng Cebu, lubhang kagalang-galang Jose Palma na ang Mabuting Balita ang magbibigay lakas sa mga tao na mamuhay sa kabanalan: “Nawa’y magkaroon ng kamalayan ang mga tao sa pagtawag sa mga mananampalatayang layko sa kabanalan... Lahat tayo ay tinatawag sa buhay kasama ng Diyos at sa buhay ng misyon.”
Si Beato Pedro ay malapit nang maging santo at matatawag na natin siyang San Pedro Calungsod. Ito ang hangarin natin dahil lahat tayo ay tinatawag din upang maging santo.
San Pedro Calungsod, ipanalangin mo kami!
Sources:
http://pedrocalungsod.page.tl/Biography.htm
Augusto V. de Vian, “The Pampangos in the Mariana Mission 1668-1684” in Micronesian, Journal of the Humanities and Social Science, dry season issue, June 2005, vol. 4, no.1.
Emy Loriega, “Blessed Pedro Calungsod”, in The Pacific Voice
Homily of Pope John Paul II, Beatification of 44 Servants of God, Sunday, 5 March 2000
Jessica Ann R. Pareja, The Freeman, December 21, 2011
Louie Jon A. Sanchez, The Varsitarian, October 20, 1999, Vol. LXXI No. 6
The Archdiocese of Manila , Pedro Calungsod, Young Visayan Proto-Martyr, Manila, 2000.
The Hagiography Circle: 1672, No. 2: "Pedro Calungsod". Cite: born: ca. 1654 in Ginatilan, Cebu, Philippines.
Beato Pedro Calungsud, dungan unya sa imong pag ka Santos mauban unta ang pag kaayo sa sakit sa akong anak nga si Lance Michael...pangayoon ko kanimo ang milagro nga unta maayo na siya sa iyang sakit nga Leukemia...
ReplyDeleteI pray po na okay na ang imo anak ma'am or sir, karon.. sa atong mga pag-ampo pinaagi ni San Pedro Calungsod lig-onon kita kanunay sa atong Ginoong Hesukristo ilabi na sa mga kalisdanan sa kinabuhi ug ipakita ug ipasinati Niya ang labawng gahom sa Iyang gugma ug grasya aron kita maghandom kanunay sa kinabuhi nga walay katapusan uban Kaniya.
DeleteThank you. Patrick from France. God bless!
ReplyDeletehttp://parousie.over-blog.fr
Thank you for your comment. May I invite you to join a Filipino Catholic FB site? Just go to htttp://www.facebook.com/afccrome Thanks
DeleteAno pong ibig sabihin nang dahon na hawak ni san pedro?
ReplyDeleteKaron pa dyud nako ni nabasa na artikulo. Nagpasalamat ko sa Ginoo kay gigiyahan ko jiya sa pag adto ani na sites ug akong nahibal.an ug nasabtan ang pagka santo si San Pedro Calungsod. Nakatabang kini aron ako mamahimong artibo ug makanunuyon sa akong pag serbisyon isip usa ka PSL, Youth Leader ug LCM .
ReplyDeleteSan Pedro Calungsod tumatawag po ako sa inyong ngalan dinggin nyo po nawa Ang aking mga panalangjn maging Ang panalangin Ng mga taong lubos na nangangailangan ilapit nyo po kami sa Dyos Ama , na naway matapos na Ang lahat Ng aming mga pinagdadaanan sa sakit na covid -19 na kumitil na Ng maraming buhay . San Pedro Calungsod naway tulungan nyo din po akong maging matatag na kagaya mo dagdagan mo Ang kakaunti na lamang na pag asang ngayon ay natitira sa aking puso tulungan mo ako na manatiling manalangin at tumawag sa Dyos sa kasaganahan man o sa kasawian . Pagalingin nyo po Sana Ang puso Kong nahihirapan at nawawalan Ng pag asa . Amen
ReplyDelete