Patotoo ng isang Pari sa itim na Nazareno ng Quiapo

February 05, 2011
by Fr. Louie Coronel, OP


Ang imahen ng itim na Nazareno ng Quiapo ay larawan ng naghihirap nating Panginoon. Papuntang Kalbaryo kung saan Niya ibinigay ang Kanyang sarili para sa ating lahat na mga makasalanan, nanatili Siyang nagmamahal sa atin. Ito marahil ang dahilan kung bakit napakaraming deboto ng mahal na Senor sa ating bansa sapagkat maraming naghihirap sa atin na ang tanging pinanghahawakan lamang ay ang pangakong hindi Niya tayo iiwan.

Kahit na ako'y hindi sumasama sa prusisyon at nakikipag-agawan ng lubid o sumasampa sa kanyang carroza, masasabi ko pa ring ako'y deboto ng Mahal na Senor. Bata pa lamang ako ay bukambibig na Siya ng aking ina pati ang mga pangyayaring nasaksihan ng aking nanay. Hindi pa ako marunong lumuwas ng Maynila ay napapanaginipan ko na Siya: Papunta raw ako noon sa school nang biglang sa Quiapo ako dinala ng jeep na aking sinakyan. 

Noong ako'y nasa elementary pa, kahit pinagbabawalan akong pumunta sa terrace ng bahay ng aking tita sapagkat mamimitas na naman daw ako ng ubas, ay ginagawa ko pa rin. Tinatanggal ko ang mga nakaharang sa pinto papuntang terrace. Ewan ko ba at parang may nakatingin sa akin habang ginagawa ko 'yon. Tumingin ako sa likod ko at kitang kita ko na ang isang larawan ng ating Panginoong nakasabit sa dingding ay kumindat sa akin ang kanang mata. Hindi ko ito pinansin; kahit medyo takot na at nagpatuloy pa rin sa pagtanggal ng mga nakaharang. Sabi ko sa sarili na namamalikmata lamang ako. Tumingin ulit ako sa likod...kitang-kita kong ang kaliwang mata naman ang kumindat...nagkumahog akong bumaba sa takot. Alam ko nandito Siya at binabantayan ako. 

Sa twing umuuwi ako sa Pilipinas ay hindi ko nakakalimutang pumunta sa Basilica minore ng Quiapo. Naniniwala akong ako'y Kanyang pinagmilagruhan. Kami ni Fr. Val ang napiling deacons na magseserve noon sa Kanyang Quadricentennial year noong 2007 sa Quirino Grand Stand. Hindi ko alam kung ako ba'y makapagse-serve sapagkat inaapoy ako ng lagnat noong bisperas at walang boses. Matayo lamang ako ay nahihilo na. Pinilit kong umatend sa practice. Tyempo naman pong parating galing Quiapo ang imahen; kinalibutan ako sa pagtanggap ng tao. Ewan ko pero ang pakiramdam ko, right there and then, nawala ang aking sakit. Ang walang boses noon ang Siya pang nagpahayag ng Mabuting Balita noong Kanyang kapistahan kinabukasan.

Maraming problema at pagsubok. Minsan parang di mo kayang lusutan. Minsan para kang isang trosong inaanod sa dagat ng walang kasiguruhan. Nananalig ako sa Iyo Panginoon. Alam ko pong nandyan Kayo. Di po ako bibitiw. Kasama po ng Inyong Ina, ang Mahal na Birheng Maria, patuloy akong sasamba sa Inyo.

Viva Senor Nazareno!

No comments:

God bless you!

Powered by Blogger.